Ilang street dwellers, pansamantalang nakatira sa simbahan sa Angeles City

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 04:12 AM | Updated as of Apr 21 2020 07:25 AM

Watch more in iWantTFC

Pansamantala munang ginawang temporary shelter para sa mga street dweller ang isang simbahan sa Angeles City.

Ayon kay Bro. Jeffrey Buan, pinuno ng Ministry of Service ng Holy Rosary Parish, sila mismo ang lumapit sa mga street dweller o sa mga natutulog sa kalsada para pansamantalang patuluyin sa kanilang chapel area.

Kasalukuyang nasa 14 ang natutulog ngayon sa chapel simula pa noong Miyerkules Santo at patuloy nilang patutuluyin ang mga street dweller dito habang ipinapatupad ang enhanced community quarantine.

May mga nag-donate rin ng mga higaan at unan na siyang ginagamit ngayon sa chapel. Sagot rin ng simbahan at iba pang mga grupo ang pagkain ng mga street dweller. May ilan rin ang nagbigay ng diaper at gatas, mga face masks, at toiletries.

Sinisiguro rin ng simbahan na napapairal ang physical distancing at kada Lunes ay dinidisinfect nila ang chapel area.

Ayon pa kay Buan, plano nilang maghanap ng mas maayos na lokasyon para sa mga street dweller, para kahit alisin na ang enhanced community quarantine ay may puwedeng tuluyan ang mga ito. 

Delikado rin kasi ang nasa kalsada lalo na’t may banta ng COVID-19.

Nasa 60 na ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan ng Pampanga, ayon sa pinakahuling tala ng lokal na pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.