Hinihinalang rebeldeng NPA, patay sa engkuwentro sa Agusan del Norte

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 09:32 PM | Updated as of Apr 21 2020 10:15 PM

KITCHARAO, Agusan del Norte - Sunod-sunod na engkuwentro ang nangyari sa pagitan ng mga sundalo ng 29th Infantry Batallion ng Philippine Army at rebeldeng New People's Army (NPA) sa Barangay Bangayan, sa bayan ng Kitcharao, Agusan del Norte nitong Lunes.

Ayon kay 2Lt. Roselyn Matulac ng 29th IB, Philippine Army tatlong sunod-sunod na engkuwentro ang nangyari mula madaling araw. 

Unang nakaengkwentro ng mga sundalo ang mahigit 20 rebelde na pinaniniwalaang miyembro ng Sandatahang Yunit Pampropaganda 16A ng NPA Guerilla Front Committee 16 sa North Eastern Mindanao Regional Command sa pamumuno ng isang alias Gab. Tumagal ng limang minuto ang bakbakan.

Dito nila nahuli ang tatlong lalaki at isang 9-taong gulang na bata. Nadiskubre din nila ang isang abandonadong lugar na maaaring tirhan ng 20 tao.

“Doon sa area mayroon silang apat na tao na nakita so 3 suspected CNTs na na- capture and one 9-year-old boy na na-rescue. At the same time malapit doon is meron silang na-discover na newly abandoned temporary enemy hideout,” ani Matulac.

Habang nagpatuloy sa isinagawang pursuit operations ay nakaengkuwentro naman ng mga sundalo ang 5 hinihinalang NPA. Tumagal nang 20 minuto ang ikalawang bakbakan.

Iniwan ng mga NPA ang namatay nilang kasamahan. Narekober ng mga sundalo mula sa namatay na rebelde ang isang M-14 rifle na may M-203 grenade launcher, baterya ng handheld radio, cellphone, improvised explosive device kit, at backpack na may subersibong dokumento.

Narekober naman ng mga sundalo ang isang AK-47 rifle at magazine na puno ng 20 rounds na bala pagkatapos ang 15 minutong engkwentro Lunes ng hapon.

Itinurnover na sa barangay chairman ng Bangayan ang mga nahuling tatlong lalaki at isang bata.

“They are suspected CNTs (CPP-NPA terrorists) dahil doon po sila natagpuan malapit sa encounter area but then as confirmation ng kanilang barangay kapitan, mga leaders nila doon sa barangay nila na negative po or wala silang any connection sa mga CNTs," ani Matulac

Hanggang ngayon hindi pa nakilala ang namatay na NPA at wala pa ring kamag-anak na kumukuha sa bangkay nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.