Hindi pagbigay ng pinansiyal na ayuda sa quarantine offenders sa QC inirerekomenda ng opisyal

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 04:57 PM | Updated as of Apr 21 2020 05:52 PM

MANILA - Inirerekomenda na ng kawani ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na tanggalan ng pinansiyal na ayuda ang mga paulit-ulit na lumalabag sa enhanced community quarantine. 

Pinag-aaralan na tanggalin sa listahan ng social amelioration beneficiaries ang mga lalabag sa quarantine protocols, ayon kay Ret. Gen. Elmo San Diego, pinuno ng Public Order and Safety department ng lungsod.

"We're actually recommending for the exclusion of those people especially the beneficiaries of this social amelioration," ani San Diego. 

"'Pag ikaw nag-violate noon once or twice puwede nang alisin namin sa listahan para medyo may ngipin nang kaunti ang aming programa," dagdag niya. 

Sa ngayon, umaabot na sa 2,900 ang naitalang lumabag sa quarantine sa Quezon City. 

Kabilang sa mga naging paglabag ang mga lumalabas kahit walang quarantine pass, paglabag sa discipline hours at kawalan ng face mask sa mga pampublikong lugar. 

Nasa 34 na barangay naman sa lungsod ang isinailalim na sa extreme enhanced community quarantine. 

Samantala, inalis na ang window hours sa pamamalengke sa maliliit na pamilihan sa lungsod para mabawasan ang mga namimili. 

"Wala tayong window hour kasi 'pag naglagay tayo ng window hour ganun din nagkakasabay-sabay. Magkakaroon pa rin ng [physical] distancing basta open ang palengke natin mula alas-5 nang umaga hanggang alas-6 nang gabi," ayon kay QC Market Development and Administration Department director Procopio Lipana. 

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.