Due date sa loan pinalawig, 13th month at sahod pinaaga para sa mga guro: DepEd

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 02:52 PM

MAYNILA — Inihayag ng Departmentof Education na pinoproseso na nito ang 13th month pay para sa mga guro sa mga pampulikong paaralan.

Sa isang press briefing, sinabi ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na handa ang kanilang ahensiya na ilabas ang 13th month pay sa Mayo 15.

Inilabas na rin ang sahod ng mga guro para sa Marso at Abril habang pinoproseso na ang suweldo para sa Mayo, ayon kay Sevilla.

Pinoproseso na rin ng DepEd ang performance-based bonus ng mga tauhan nito, na sinimulan nang ilabas sa ilang rehiyon, ayon kay Sevilla.

Ayon kay Sevilla, nagbigay rin sila ng clothing allowance na nagkakahalagang P6,000.

Hindi na rin kailangan mag-alala ng mga guro sa kanilang mga loan payment dahil pinalawig na ng DepEd ang pagbabayad ng mga ito habang nananatili ang lockdown dahil sa coronavirus disease, ayon kay Sevilla.

Nakipag-ugnayan na umano ang mga DepEd sa mga private lending at government financial institutions na nagbibigay ng pautang sa mga guro.

"Hindi po sila mag-aalala na kailangang bayaran agad dahil kami na po ang mag-adjust, kung ang inyong loan ay naka-encode sa aming database, salary payroll database, kami po ang mag-extend ng loan term nito," ani Sevilla.

"Nakausap na po natin lahat ng private lending institutions and government financial institution na kabilang at naka-accredit sa ating payroll database," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.