'Drive-thru' COVID-19 testing sa Taguig sisimulan sa Abril 22

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 05:52 PM

Bukod sa drive-thru testing, sisimulan din ang barangay-based testing sa lungsod ng Taguig kontra-COVID-19. Photo courtesy: Taguig LGU Facebook page

MAYNILA - Aarangkada na simula Abril 22 ang drive-thru testing para sa mga pasyenteng hinihinalang may COVID-19 sa lungsod ng Taguig. 

Parte umano ito ng " Systematic Mass Approach to Responsible Testing" (SMART) program ng lungsod. 

Para sa mga may sasakyan lang ang nasabing serbisyo, ayon kay Taguig Mayor Lino Cayetano. 

Ilalagay ito sa Bonifacio Global City at sa Taguig Lakeshore sa Barangay Lower Bicutan. 

Isasailalim din sa training ang mga health worker na kukuha ng swab test sa mga barangay health center at sa drive-thru testing. 

Uunahin dito ang mga nakarekober na sa sakit, mga may sintomas, mga frontline worker mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa sakit at ang mga itinuturing na "vulnerable" gaya ng mga buntis, mga nakatatanda at iba pang sakit. 

Bukod sa RITM, may koordinasyon at partnership na nilagdaan ang Taguig City sa St. Lukes - Bonifacio Global City at Philippine Red Cross para sa pagsuri sa mga makukuha na swab test sa mass testing ng siyudad.

Bukod sa drive-thru testing, sisimulan din ang barangay-based testing sa lungsod ng Taguig kontra-COVID-19. 

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.