DILG: Pangalan ng mga tatanggap ng ayuda dapat pinapaskil sa mga barangay

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 03:33 AM

Nagbaba ng utos ang Department of Interior and Local Government (DILG) na dapat ipaskil na sa mga barangay hall ang pangalan ng mga benepisyaryo ng Special Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). 

Ito ay para sa transparency at matiyak na rin na napupunta sa tamang tao ang pondong inilaan ng gobyerno para sa mga mahihirap. 

Kasunod ito ng mga reklamong may palakasan o may mga inuuna na mabigyan ng ayuda. 

“So nagkakaroon po ng haka-haka na ‘ako ay nag-fill up ng form, ngunit hindi ako nakatanggap ng payout, baka kinuha ni kapitan iyong pera’. So para rin po sa proteksyon na rin ng ating kapitan, mayroon pong direktiba ang Secretary Año na ilagay at ipaskil ang mga pangalan ng lahat ng approved beneficiaries na galing sa DSWD para po for transparency purposes sa lahat ng barangay sa buong bansa,” ani Undersecretary Jonathan Malaya.

Samantala, nagpaalala rin si inter-agency task force spokesperson at Cabinet Sec. Karlo Nograles sa dapat gamitin ng maayos ng mga probinsya ang ibinigay na rin na P6.197 bilyon na Bayanihan Grant to Provinces (BGP). 

Aniya, dapat gamitin lamang ito para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) response gaya ng pambili ng personal protective equipment, iba pang mga kagamitan, mga gamot at bitamina, disinfectants, at sprayers. 

Pwede rin itong magamit para sa pagkain, transportasyon at accommodations ng health workers at frontliners at iba pa.

Ayon kay Malaya, ang natanggap ng mga probinsya na BGP ay katumbas ng kalahati ng kanilang buwang internal revenue allotment.

Pinapayuhan sila ng DILG na gamitin ng wasto ang pondo at kung may sobra man dito at dapat ibalik sa national treasury.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.