PatrolPH

Cavite governor nagbabala ng mala-martial law na lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 04:16 PM | Updated as of Apr 21 2020 06:48 PM

Watch more on iWantTFC

Nagbabala si Cavite Governor Jonvic Remulla ng pagpapatupad ng mala-martial law na lockdown kapag hindi tumigil ang mga residente ng lalawigan sa paglabag sa mga patakaran.

Sa ngayon, humingi na ng tulong si Remulla sa Armed Forces of the Philippines sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa kanilang lugar dahil parami na nang parami ang hindi sumusunod at hindi natatakot sa mga pulis.

"Hinihigpitan lang namin nang mas kaunti. Wala naman hinahampas diyan, wala naman sinasaktan," ani Remulla.

Pero kung magpapatuloy pa raw ang mga paglabag, hindi malayong magkaroon ng mala-martial law na lockdown.

"Kung matigas pa rin ang ulo nila, kung ayaw pa rin madala, hihigpitan ko pa lalo, mala-martial law," aniya.

Tiniyak naman ni Major Arvin Nuñez, officer in charge ng 730th Combat Group ng Philippine Air Force, na walang dapat ikatakot ang mga tao dahil ginagalang naman nila ang mga karapatang pantao.

Paparating na rin umano ang mga miyembro ng Philippine Marines na ni-request ni Remulla para i-deploy sa buong Cavite.

Nitong Martes, dumating din sa Trece Martires City ang mga taga-730th Combat Group para tulungan ang mga pulis sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine.

Higit 200 ang naaresto ng mga pulis ngayong Martes sa Trece Martires dahil sa mga paglabag tulad ng paglabas ng bahay kahit walang quarantine pass at paggamit ng quarantine pass na hindi sa kanila.

Matapos pangaralan, pinauwi rin ng mga awtoridad ang mga nahuling violator, pero kung muli silang mahuhuli ay makukulong ang mga ito nang isang araw at kakasuhan.

Ipinatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon hanggang Abril 30 para makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Nasa 134 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Cavite. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.