Bilang ng COVID-19 cases sa mga bilangguan patuloy na nadadagdagan

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 08:38 PM | Updated as of Apr 22 2020 08:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Labis ang pag-aalala ng inang si Erlinda Perez sakaniyang anak na si Ge-Ann, isang political prisoner na may leprosy at nakakulong ngayon sa Taguig.

Kasama si Ge-Ann sa 22 humiling sa Korte Suprema na pansamantalang makalaya sa harap ng banta ng COVID-19. 

 
Kung meron kasing lugar na imposible ang physical distancing, ito ay ang masisikip na mga kulungan. 
 
"Isa lang ang hiling ko – na sana makasama siya kung papayagan mang makalaya ang mga political prisoners," sabi ni Perez. 
 
Sa kabila ng pagtitiyak ng mga awtoridad na ligtas ang mga kulungan, unti-unti namang dumarami ang bilang ng mga preso na nagpopositibo sa kinatatakutang sakit. 

Unang nagsabi ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) noong nakaraang linggo na 9 na inmates at 9 na staff nito sa Quezon City jail ang may COVID-19.

Nitong Martes lamang, 18 bagong kaso ang naitala ng Bureau of Corrections sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City. 
 
Habang sa Cebu, 4 ang kumpirmadong may COVID-19, isa sa kanila ay namatay noong Linggo, bago pa man malaman ang resulta.
 
Magdedesisyon pa lang ang Korte Suprema sa petisyon habang pinag-aaralan pa ng Department of Justice ang mga panawagan.

 Pero suportado ito ng BJMP, House Committee on Justice, mga human rights groups, at ilang mambabatas.
 
Nagpaalala na rin ang Korte Suprema sa trial court judges na ipatupad ang mga hakbang sa pagbabawas ng bilang ng mga preso. 

Kabilang anila ang pansamantalang pagpapalaya sa mga nasilbihan na ang minimum na taong parusa sa kinakaharap na kaso at ang pansamantalang pagbabasura sa mga kasong hindi umuusad.
 
Pero hindi lahat sang-ayon dito.

Tutol ang ama at ina ng hazing victim na si Horacio Atio Castillo III sa mosyon ng isa sa mga akusado sa pagpatay sa kanilang anak na palayain din dahil sa COVID-19.

"Many options and safety nets are in place to safeguard the needs of all persons affected. There are facilities available for isolation if the need arises," anila.
 
Dagdag pa nila, baka mas makasama pa at mauwi sa kaguluhan kung palalayain ang mga nakakulong.

Sagot naman ng grupong gustong palayain ang mga preso, may komite dapat na bubuuin para ang mga karapat-dapat lang ang makakalaya.
 
Tiniyak naman ng kanilang abugado na walang tatakas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.