Barangay sa Palawan isinailalim sa extreme enhanced community quarantine

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 01:55 AM

Larawan mula sa Municipal Health Office ng Taytay, Palawan

Ipinag-utos ng alkalde ng Taytay, Palawan nitong Sabado na isailalim sa extreme enhanced community quarantine ang Barangay Paly.

Iniiwasan ng lokal na pamahalaan ng Taytay na may mahawa sa kanilang mga residente, lalo pa at nasa 80 na ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Batangas.

Pangunahing kabuhayan sa barangay ang pagla-live fish na ibinebenta sa Batangas.

"Kasi 'yung tao, hindi mapigilan na sigeng biyahe ng ibang probinsya, lalo na sa Batangas. Nagdadala ng live fish. It is just a precautionary measure na alam naman natin na may COVID-19 ang Batangas, baka magkaroon ng hawa na wala pa naman kami dito sa Taytay," ayon kay Mayor Romy Salvame.

Sa ngayon, wala pa namang hinihinalang may COVID-19 sa Barangay Paly pati na rin sa buong bayan ng Taytay.

"We are clean. The entire municipality of Taytay is still clean. Yung mga naka-quarantine lang, yung nangagaling lang po sa ibang munisipyo. Iyon ang pinapa-quarantine lang po natin na sinasabi nating suspect sa ngayon," ani Salvame.

Ipinatupad ang extreme quarantine sa barangay mula Abril 18 hanggang Abril 30, 2020.

Hindi na papayagang makalabas ng barangay ang mga residente. Ipinatupad din ang liquor ban pati ang mandatory na pagsusuot ng face mask sa barangay.

Pinapayagan pa rin ang pangingisda ngunit maaari na lamang itong itinda sa mga tao sa loob ng barangay.

Ilang exemptions din ang ipinatupad tulad nang pagpayag sa mga medical emergencies na makalabas ng barangay.

Ayon sa alkalde, hangga’t maaari ang kapitan na lang ang pinapayagang lumabas upang mamili ng mga kinakailangan, habang magpapadala naman ang LGU ng ayuda sa mga residente.

Pag-unawa at pagsunod ang panawagan ng lokal na pamahalaan ng Taytay sa mga residente ng Barangay Paly.

Makikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan ng Taytay sa Coast Guard upang magbantay sa barangay at maiwasan ang paglabas ng mga residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.