Ayuda sa isang ginang sa Cotabato, ibinalik dahil nakatanggap na si mister

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 08:57 PM | Updated as of Apr 22 2020 06:58 PM

Watch more in iWantTFC

MAGPET, Cotabato - Dahil nakatanggap na ang asawa nito, tinanggihan ng isang ginang sa Magpet, Cotabato nitong Linggo ang iniabot sa kanyang P5,000 cash assistance sa ilalim ng ipinatutupad na Social Amelioration Program ng pamahalaan dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development - Region 12, ibinalik ni Whendy Pido, 28, ang ayuda dahil benepisyaryo rin ang kanyang asawa na nauna nang nakatanggap sa kabilang barangay.

Mungkahi niya, ibigay na lamang sa ibang nangangailangan rin.

"Mahirap maging sakim sa pera, tapos yung iba naman, naghihingalo dahil walang makain," ani Pido na dating nagtrabaho sa ibang bansa bilang household helper.

"Isipin niyo rin sana na hindi lang kayo ang nangangailangan. Lahat tayo ay nangangailangan ng ayuda galing sa gobyerno," mensahe niya.

Pinuri ng DSWD ang pagiging tapat ni Pido na kasalukuyan ay nagsisilbing housewife at nagbabantay sa isang-taong-gulang niyang anak habang naghahanapbuhay bilang laborer sa sakahan ang asawa nito.

Tinawag siyang mabuting ehemplo ni DSWD Region 12 Director Cezario Joel Espejo, lalo pa't aminado rin si Pido na mahirap rin ang pamumuhay ng kanyang pamilya at kung minsan ay nangungutang kapag walang trabaho ang asawa.

"Itong si Ginang Pido ng Antipas (Magpet), nandoon po ako at witness ako, at kasama ako doon sa pag-interview sa kaniya, na kusa niyang binalik yung pera kasi sabi niya, may mas nangangailangan pa sa kanya kaya kailangan itong ibalik," ani Espejo.

"Yung kaso po ni Whendy ay nagpapatunay na siya ay tapat sa gobyerno. Ito ang panawagan natin na sana ang lahat ay ganoon ang attitude," dagdag ng opisyal.

Para kay Pido, malaking tulong ang social amelioration program.

Sa buong Region 12, aabot sa P3.2 bilyon ang alokasyon para sa 640,074 na mga benepisyaryo. Tiniyak ng DSWD na maipagkakaloob ito sa mga lehitimong benepisyaryo at hindi sa kung sinu-sino lang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.