2 patay sa salpukan ng 2 truck sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 04:25 PM | Updated as of Apr 21 2020 05:19 PM

Sa imbestigasyon ng Ilog police, minamaneho ni Michael Castillo ang mini truck at karga nito ang kahon-kahong isda. Retrato mula kay Rolly Gestupa

ILOG, Negros Occidental — Patay ang isang drayber ng mini truck at tauhan nito matapos silang sumalpok sa kasalubong na truck dito sa bayan Martes ng umaga. 

Sa imbestigasyon ng Ilog police, minamaneho ni Michael Castillo ang mini truck at karga nito ang kahon-kahong isda. 

Mula sila sa bayan ng Hinoba-an at nakatakdang mag-deliver sa Kabankalan City.

Ayon kay Police Maj. John Ganzon, hepe ng Ilog police, nasa highway sa Barangay Dancalan si Castillo nang sumabog ang gulong sa likuran ng sasakyan niya.

Dahil dito ay nawalan ng kontrol si Castillo kaya't dumiretso sa kabilang lane ang sasakyan at nabangga ang nakasalubong na truck.

Nagtamo ng malubhang mga sugat si Castillo at kasamang helper na si Nico Along, dahilan ng kanilang pagkamatay.

Nasa kustodiya naman ng Ilog police ang driver ng nabanggang truck na sumuko sa awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.