135 barangay sa Maynila, posibleng isailalim sa total lockdown

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 05:21 AM

Isang babae ang naglalakad papunta sa isang saradong daan sa Sampaloc, Manila nitong Abril 20, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

Aabot sa 135 barangay sa Maynila ang posibleng isailalim sa total lockdown dahil sa paglabag sa enhanced community quarantine protocols at physical distancing measures, ayon sa inilabas na listahan ng Manila Public Information Office nitong Lunes.

Bawat police station sa Maynila ay nagbigay ng listahan kay Manila Police District Chief Police Brig. Gen. Rolly Miranda. 

Tinawag ang mga barangay na enhanced community quarantine challenges. 

Lahat ng distrito sa Maynila ay may ilang barangay na kasali sa listahan. Kabilang dito ang Baseco Compound at Parola Compound na dalawa sa may pinakamalaking populasyon. 

Inilabas ang listahan sa gitna ng paghahanda sa nakaplanong pag-total lockdown sa buong distrito ng Sampaloc na may halos 200 na mga barangay. 

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, wala pang eksaktong araw kung kailan sisimulan ang planong 48-hour lockdown. Tatapusin muna nila ang pamimigay ng food packs sa lahat ng mga residente, para kung sakaling ipatupad na ang lockdown ay may mga pagkain na ang mga taga-Sampaloc. 

Planong ilagay sa hard o total lockdown ang Sampaloc dahil sa dami ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.