SILIPIN: Iba't ibang paggunita ng mga Katoliko sa 'Pasyon ni Hesukristo'

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2019 06:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Para sa mga Katoliko ay wala nang mas hihigit pa sa sakripisyong ibinigay ni Hesus para iligtas ang kasalanan ng sanlibutan.

Noong Huwebes Santo, humigit kumulang 2 milyon ang umakyat sa National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o ang tinaguriang Antipolo Cathedral.

Paniniwala ng iba, noon pang 1600s nagsimula ang tradisyon nang dumating ang imaheng gawa sa kahoy ng banal na Birheng Maria mula sa Acapulco, Mexico.

Sa dami ng mga pumunta, tumulong din ang isang Indian community para magbigay ng tubig na maiinom sa mga nag-alay lakad.

Hindi man magbago ang taunang tradisyon, may mahalagang paalala si Antipolo Bishop Francis de Leon.

"Ang alay-lakad ay nagpapaalala sa atin ng paglalakbay patungo sa tahanan ng ating Ama. Kaya ang maganda sa mga naglalakad, hindi 'yung daldalan, hindi 'yung text, nagdarasal sila habang naglalakad."

Pagsapit ng Biyernes Santo, daang libong Katoliko na nagbi-Visita Iglesia ang nagtungo sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church para sa Santo Entierro.

Ang Santo Entierro ay isang prusisyon para sa banal na paglibing kay Hesus. Idinaan sa paligid ng Quiapo ang kaniyang imahen at sinundan ng mga namamanata.

Sa Sabado de Gloria, sinindihan ng mga Katoliko ang mga kandila sa loob ng Manila Cathedral bilang bahagi ng Easter vigil. Ito ang unang misa bilang pag-alala naman sa muling pagkabuhay ni Hesus.

Hatinggabi ng Linggo naman nang isagawa ang inaabangang salubong sa Quiapo Church.

Sa Linggo ng Pagkabuhay, ginugunita ang pagkikita ni Hesus at kaniyang inang si Maria.

Simple at taos puso naman ang mensahe ng Santo Papa sa Easter vigil na ginanap sa St. Peter’s Basilica, Vatican City: ang mamuhay para sa Diyos at hindi sa mga makamundong bagay.

"God takes away even the hardest stones against which our hopes and expectations crash: death, sin, fear, worldliness," ani Pope Francis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.