Mga uuwi matapos ang Semana Santa dagsa na; tollways nagbabala ng 'malalang' traffic

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2019 04:43 PM

MAYNILA — Matapos ang ilang araw na bakasyon kasabay ng paggunita sa Semana Santa, ngayong hapon ng Linggo ang inaasahang bugso ng tao na pabalik sa Metro Manila.

Sa Bocaue toll plaza ng North Luzon Expressway (NLEX), mahaba na ang pila ng mga sasakyan lalo sa mga cash-based counter. Gitgitan na rin ang mga sasakyan pagdaan sa Balintawak.

Mula naman sa may Sta. Rita exit, sumikip ang trapiko dahil sa isang minor incident paglampas sa Shell of Asia, Bulacan

Inaasahan ng pamunuan ng NLEX na mas lalala pa ang sitwasyon habang papagabi dahil sa bugso ng mga motorista.

Mas titindi pa daw ito sa sitwasyon sa NLEX kumpara noong Sabado ng gabi, kung saan inabot ng alas-3 ng madaling araw na 20-40 kph lang ang takbo ng mga sasakyan sa mga toll plaza.

Dahil dito, nagdagdag na ng mga toll booths, foot sellers, at patrol officers ang NLEX.
 
May mga portable booths at toll collection equipment din para mabawasan ang waiting time ng mga motorista sa mga toll plaza.

May mga motorist camp na nakalatag sa NLEX para sa libreng tawag, wi-fi, inumin, basic mechanic services, at first aid treatment.

Sa South Luzon Expressway (SLEX) naman, bahagyang gumaan ang daloy ng trapiko dahil kumonti daw ang dami ng sasakyan.

Samantala, nagdagdag na ang pamunuan ng SLEX ng mga ambulant tellers at traffic patrol teams.

May motorist assistance centers din sa karamihan sa mga gasolinahan para tumugon sa mechanical at medical needs ng mga motorista.

BUS TERMINALS

Nagsimula na rin ang pagdating sa terminal sa Cubao ng mga bus galing sa probinsiya.

"Sa ngayon po continue po ang ating mga buses sa pagdating. Unlike kahapon na-delay po 'yung mga buses sa provinces," sabi ni Police Maj. Mario Manipon, deputy commander ng station 7 ng Quezon City Police District (QCPD).

Mga ginagawang kalsada at mga nagbakasyong bus drivers ang sinabing sanhi ng pagkaantala ng ilang bus.

Kung may mga pabalik sa Metro Manila, mayroong namang mga pauwi pa lang sa probinsiya na ayaw sumabay noon sa bugso ng tao.

"Eh kasi nagmura po ung pamasahe," sabi ni Arlene Ansero.

"Hindi pa po kami nakabili ng ticket noon kasi fully booked," sabi naman ni Percy Bulol.

Mahaba din ang pila sa ticket booths dahil ayon sa ticket sellers, ang karamihan ay nagpapa-reserve na ng biyahe para sa darating na eleksiyon sa Mayo.

Inaasahang hanggang Lunes dagsa pa rin ang mga pasaherong pabalik dito sa Maynila.

— Ulat nina Arra Perez, Bianca Dava, at Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.