Magkapatid nalunod sa water reservoir sa Ilocos Sur

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2019 03:50 PM | Updated as of Apr 21 2019 03:51 PM

Namatay ang magkapatid na bata matapos malunod sa isang water reservoir sa bayan ng Cabugao, Ilocos Sur, ayon sa pulisya.

Kasama ng mga bata — na may edad 7 at 8 — ang kanilang ama sa reservoir sa Barangay Aragan nang mangyari ang insidente, ayon kay Police Captain Ramil Llarenas, hepe ng Cabugao police.

Pero nabigo ang ama na sagipin ang mga bata nang mahulog ang mga ito sa reservoir na may lalim na 9 talampakan, ani Llarenas.

Ayon naman sa ama ng mga nasawi, paahon na ang kaniyang mga anak at umakyat sa "temporary na hagdan" nang maputol ang nasabing hagdan.

Ipinayo naman ng mga pulis sa mga opisyal ng barangay na maglagay ng babala na nagsasaad kung gaano kalalim ang tubig sa reservoir upang hindi na maulit ang insidente.

--Ulat ni Ria Galiste, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.