Libo-libo dagsa sa 'Baseco Beach' sa Easter Sunday

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2019 06:34 PM

Kahit ipinagbabawal, dagsa ang mga tao sa dalampasigan sa Baseco, Tondo, Maynila para maligo ngayong Linggo ng Pagkabuhay. Raphael Bosano, ABS-CBN News

Nagmistulang resort ang dalampasigan sa Baseco sa Tondo, Maynila dahil sa dami ng taong tumungo roon ngayong Linggo ng Pagkabuhay para maligo.

Tinatayang nasa 3,000 tao ang nasa tinaguriang "Baseco Beach" nitong hapon ng Linggo, ayon kay Edith Castillo, administrator ng Barangay 649 sa Baseco.

Kaniya-kaniyang diskarte ang mga namasyal sa "Baseco Beach" gaya ng paglatag ng mga karitong beach mats at pagtayo ng mga tent gamit ang pinagtagpi-tagping kumot.

Watch more in iWant or TFC.tv

Mayroon ding mga nag-barbecue o nag-ihaw ng pagkain at nagkantahan sa videoke.

Hindi umano alintana sa ibang namamasyal ang mga basurang palutang-lutang sa tubig.

Inamin naman ni Castillo na hindi nila kontrolado ang mga taong pumupunta sa dalampasigan para maligo.

Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na ipinagbabawal ang pagligo sa "Baseco Beach" at iba pang bahagi ng Manila Bay sa may Maynila dahil hindi pa natitiyak na bumaba na ang nibel ng bakteryang fecal coliform doon.

Pinayuhan din ni Castillo ang publiko na bantayang mabuti ang mga bata lalo at may muntik nang malunod nitong umaga ng Linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.