Generator ng hotel sa Cebu City nasunog

Donna Lavares, ABS CBN News

Posted at Apr 21 2019 09:56 AM

Rumesponde ang ilang fire truck sa sunog sa isang hotel sa Cebu City. ABS-CBN News

CEBU CITY -- Nasunog ang generator ng isang hotel sa lungsod na ito, dahilan para mabulabog ang ilang bakasyonista, Linggo ng madaling-araw. 

Bandang ala-1:30 ng umaga napansin ng ilang bisita ang pagsabog sa generator room na nasa ikalawang palapag ng hotel sa Archbishop Reyes Avenue, ayon sa Bureau of Fire Protection. 

Agad anilang kumalat ang usok hanggang sa ika-apat na palapag at nagbabaan sa mga fire exit ang mga guest na karamihan ay nagbabakasyon sa Holy Week. 
 
Wala namang naiulat na nasaktan sa sunog na nakontrol makalipas ang 1 oras. 

Iniimbestigan pa ng BFP ang sanhi ng pagkasunog ng generator na nagkakahalaga ng P10,000. Tinitingnan din anila kung gumana ba ang fire alarm. 

Pansamantala munang itinigil ang operasyon ng hotel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.