Basura nagkalat sa Bantayan Island matapos ang Black Saturday party

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2019 03:37 PM

Sangkaterbang basura ang naiwan sa mga dalampasigan ng Santa Fe, Banatayan Island matapos ang Black Saturday party doon. ABS-CBN News

Sandamakmak na basura ang naiwan sa mga dalampasigan ng bayan ng Santa Fe sa Bantayan Island, Cebu sa paghupa ng mga taong nakisaya sa Black Saturday party.

Tulong-tulong ang mga residente at mga turista nitong umaga ng Linggo sa pagpulot sa mga naiwang kalat sa nasabing lugar.

Karamihan sa mga naiwang basura ay mga plastik at bote.

Ito ay sa kabila ng mga signage na nakalatag sa mga dalampasigan na nagpapaalala sa mga turista na iwasang mag-iwan ng basura.

Ayon sa municipal tourism head na si Melanie Loyao, madalas talagang nag-iiwan ng basura ang mga bisita matapos ang Black Saturday party.

Bawat turista, mapa-Pinoy man o banyaga, ay kinakailangang magbayad ng P30 ecological fee bago makalagpas sa port area ng Santa Fe.

Ginagamit ang mga nakokolektang fee para sa pagpapabuti ng mga tourism facility at "eco warriors" na nagpapanatili ng kalinisan sa mga tourist spot sa Santa Fe, ani Loyao.

Ang Santa Fe ang isa sa 3 bayan na bumubuo sa Bantayan Island.

--Ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.