2 trabahador patay sa pagguho ng ginagawang townhouse sa Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2019 03:58 PM

MAYNILA — Patay ang dalawang construction worker habang sugatan naman ang isa pa matapos gumuho ang isang bahagi ng ginagawang townhouse sa Antipolo City noong Sabado.

Nangyari ang insidente sa Panorama Hills, Barangay Cupang, Antipolo City.

Ayon kay Police Lt. Col. Villaflor Bannawagan, hinuhukay ng construction workers ang pundasyon ng gusali nang biglang gumuho ang 10 talampakang pader ng lupa at natabunan sila.

Naisugod pa sa ospital ang mga biktimang sina Rafael Ferreras at Rian Gabac ngunit idineklarang dead-on-arrival. Sugatan naman ang isa pang biktimang si John Matugas.

Iniimbestigahan na ang contractor ng gusali at inaalam ang pananagutan nito.

Sa natanggap na impormasyon ng Antipolo police, pinoproseso pa lang ang building permit ng proyekto.

Sa Lunes pa ito mabeberipika sa City Hall pero patuloy ang pagsisiyasat ng mga awtoridad.

—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.