SOCO: Dalagita galing pasayaw, natagpuang nakasabit sa puno ng mangga

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2018 03:18 PM

 

Dumalo sa isang pasayaw sa bayan ng San Fabian, Pangasinan ang magkakapatid na sina alyas “Lorna,” “Jimmy” at “Lolita” noong gabi ng Marso 6, 2016.

Sina Lorna at Jimmy, nakauwi na sa kanilang bahay pasado alas-4 ng umaga, ngunit hindi na nila kasama ang isa pang kapatid. 

“Pagkadilat ko, nandiyan na pala sila, pero nagulat din ako nung pagkakita ko, bakit dalawa na lang 'yung umuwi kong anak,” kuwento ni alyas “Ligaya,” ina ng tatlong magkakapatid.

Hindi nakauwi ang 14 taong gulang na si Lolita kaya nagtulong-tulong ang pamilya sa paghahanap sa kaniya.

Ani Ligaya, hindi normal para sa dalaga ang umalis ng bahay nang walang paalam. Maliban kasi sa pagiging katuwang sa gawaing-bahay, masipag rin daw ang dalagita sa pag-aaral.

“Kapag nandito siya sa bahay, lahat ng gawain sa bahay hangga’t kaya niya ginagawa niya. Paglalaba, paglilinis, pagluluto o kung may gawain na kaya niya, tumutulong siya,” pag-alala ng ina.

Noong sumunod na umaga, nagtungo ang asawa ni Ligaya na si alyas “Loreto” sa kanilang taniman. Sa hindi inaasahang pagkakataon, natagpuan niya ang anak na si Lolita na nakabigti sa isang puno ng mangga.

“Pagpunta ko doon, lumakad ako dahil 'yung kalabaw ko nasa kabila, nandiyan na 'yung anak ko, nakabitay na,” ani Loreto.

Naging pala-isipan para sa pamilya ang nangyari sa masipag na dalagita.

“Nung una pa lang hindi na sila (Jimmy at Lorna) naniwala talaga na nagbigti, kaya sila ang unang nagsabi na ipa-autopsy na lang natin para alam natin kung ano talaga ang ikinamatay ng kapatid namin,” kuwento ni Ligaya.

Base sa post-mortem examination, natukoy na asphyxia by strangulation ang ikinamatay ng biktima.

“Base po sa autopsy po natin, lumalabas na hindi hanging kung hindi strangulation ang ikinamatay ni Lolita,” ayon kay Special Investigator 3 Giomenes Norlo Gallang ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Dagupan.

Ano nga ba ang misteryo sa likod ng insidenteng ito? Sundan ang imbestigasyon sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 5:30 p.m. sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook at Twitter .

--Ulat ni Toph Doncillo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.