Reklamo ng balikbayan: Bagahe, dumating na 'butas-butas' sa NAIA 3

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2018 04:05 PM | Updated as of Apr 21 2018 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang balikbayan mula Amerika ang lumapit sa "Tapat Na Po" upang ireklamo ang kalunos-lunos na sinapit ng kaniyang bagahe nang dumating ito sa paliparan sa Pilipinas. 

Butas-butas na kasi ang bagaheng-karton ng kapatid ni Ludy Martin matapos ang biyahe mula Houston, Texas, USA na dumaan pa sa Narita Airport sa Tokyo, Japan lulan ng airline na All Nippon Airways (ANA).

Ayon sa kapatid ni Martin, mabigat at halos hindi nito mabuhat ang kaniyang bagahe noong ibinigay niya sa airport sa Texas ngunit gumaan at may tatlong butas na ito pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

"Humingi kami ng assistance sa security kaso hindi kami tinuro where to complain," ani Martin. 

Dahil pagod na sa 18 oras na flight, umalis na lang ng airport at dumiretso ng Pangasinan ang magkapatid.

Pero hindi makalimutan ng pamilya ang sama ng loob na dinulot ng insidente. 

"President [Rodrigo] Duterte ang kapatid ko naghirap sa ibang bansa para sa aming family tapos ganun nanakawin lang...Sana po magawan niyo ng aksiyon ang mga nasa terminal na 'yan. Sana masugpo na kasi nakakasira sa ating imahe sa ating bansa," hinaing ni Martin. 

Idinulog ng Tapat Na Po kay Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal ang insidente.
    
Una, nilinaw ni Monreal na hindi naman dapat awtomatikong isisi sa kanila ang nabutas na bagahe dahil puwede rin namang sa Amerika o sa Japan ito ginawa.

Dapat din daw ay agad-agad nagreklamo sa airline ang pasahero.

"Meron pong representative ang mga airline sa arrival area tuwing flight nila...Meron pong lost and found staff nila na mag-aasikaso sa kanila," giit ni Monreal.

Ipinakita rin ni Monreal ang proseso ng pag-unload ng mga bagahe hanggang ilagay ito sa conveyor para kuhanin ng pasahero.
    
May guwardya rin daw ang airline na hindi tauhan ng airport na nakatokang magbantay sa kanilang bagahe.

"Ang nangyayari ngayon, sa dami ng nagrereklamo, ang turo agad sa Pilipinas. Ako Pilipino, nasasaktan po ako. Sa tagal ko sa airport alam ko po ang proseso sa bagahe," hinaing ni Monreal.

Naghain na ng reklamo sa ANA ang kapatid ni Martin.

Ipatitingin rin sa kanila ang CCTV sa Lunes para makita ang pag-handle ng bagahe pagdating ng eroplano sa NAIA.
    
Aabangan ng Tapat Na Po ang magiging pag-usad ng reklamo.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.