Pulis, binaril matapos sawayin ang lasing na kabarangay

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2018 04:25 AM

ILOILO CITY - Sugatan ang isang pulis matapos barilin ng lasing na kabarangay nito sa Iloilo City Biyernes ng gabi.

Nagtamo si PO1 John Rey Sadsad ng tama ng baril sa kanang bahagi ng noo.

Conscious ang biktima pero kailangan pang operahan dahil hindi nakalabas ang bala, ayon ito sa kaniyang mga kasamahang pulis.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagpapahinga na sa kanilang bahay si Sadsad nang humingi ng tulong sa kaniya ang ilang kapitbahay.

Nanggugulo kasi umano ang isang lasing na lalaki sa Barangay Sooc, Arevallo alas-10 ng gabi.

Pinuntahan ni Sadsad ang insidente at sinaway ang lalaki na kilala lang bilang si alyas Joel.

Bigla na lang umano daw bumunot ng baril ang lalaki at pinaputukan si Sadsad.

Nangyari ang pamamaril sa gitna mismo ng kalsada na nasaksihan ng ilang residente.

Agad dinala si Sadsad sa Western Visayas Medical Center habang tumakas naman ang lalaki.

Si Sadsad ay nakadestino sa Oton Municipal Police Station sa Iloilo.

Patuloy naman ang hot pursuit ng mga pulis sa suspek. - ulat ni Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.