Mga karakter sa 'Ang Probinsyano' wagi sa mock election ng Comelec

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2018 08:19 PM

Nagsagawa ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) mock elections ang Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado bilang paghahanda sa halalan sa Mayo 14.

Dalawang presinto sa Rosauro Almario Elementary School sa Tondo, Maynila ang nagbigay ng simulation.

Ginamit pa sa aktibidad ang pangalan ng mga karakter sa hit serye ng ABS-CBN na "'Ang Probinsyano" kung saan idineklara si "Ricardo Dalisay" na panalo bilang barangay chairman. 

Nagbantay naman ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) para matiyak ang kaayusan.

Nakilahok din ang ilang election watchdogs tulad ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), National Citizen's Movement for Free Elections (NAMFREL), at Legal Network for Truthful Elections (LENTE), gayundin ang Department of Education (DepEd).

Ayon kay acting Comelec chairman Al Parreño, kailangang magsagawa ng simulation para maiwasan ang kalituhan sa halalang lalahukan ng tinatayang 64 milyong botante. 

Samantala, tiniyak naman ng PNP na kasado na ang kanilang seguridad para sa barangay at SK polls.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga lugar na inaasahang magiging mainit ang labanan ng mga kandidato.

--May ulat ni Abner Mercardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.