3 sundalo, sugatan sa raid ng barangay chairman sa Bukidnon

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2018 06:21 PM

LIBONA, Bukidnon—Tatlong sundalo ang sugatan nang ni-raid ng mga awtoridad ang bahay ng chairman ng Barangay Kinawe sa bayang ito Sabado.

Ayon sa mga awtoridad, maghahain sana sila ng search warrant laban kay Kapitana Cherry Barros pasado alas dos ng madaling araw nang pagbabarilin umano sila ng mga tauhan ng punong barangay.

Naghagis din umano ng granada ang mga tauhan ni Barros.

Matapos ang engkuwentro, dinakip ng mga awtoridad si Barros at ang 11 lalaki na posibleng miyembro umano ng private army ng kapitana.

Nakatakas naman ang asawa ni Barros na hinihinalang dumaan sa likurang bahagi ng kanilang bahay.

Narekober mula sa bahay ni Barros ang 1 shotgun, 1 caliber .30 rifle, 2 carbine rifle, 1 sub machine gun, 4 na caliber .45, 1 caliber .40, 1 caliber .38 revolver, 2 MK2 fragmentation grenade, 3 rifle grenade, blasting caps at iba't ibang klase ng mga bala.

Itinanggi naman ni Barros na sa kanila ang mga baril.

Giit ng kapitana, posibleng hiniram lang ito ng kaniyang asawa para maprotektahan ang kanilang pamilya matapos umanong mapatay ang kanilang 14-anyos na anak sa isang ambush noong Enero.

Kakasuhan si Barros at ang kaniyang 11 lalaking kasamahan ng Illegal Possession of Firearms and Ammunition and Explosives.

Hindi tatakbo sa darating na barangay elections ang arestadong kapitana.

Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang kaniyang asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.