3 nahulihan umano ng droga sa isang motel sa Cubao

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2018 08:48 PM

Kalaboso ang 3 katao, kabilang ang 2 babae, matapos umanong mahulihan ng ilegal na droga sa loob ng isang motel sa Cubao, Quezon City Sabado.

Ayon kay Senior Insp. Ramon Aquiatan ng Cubao Police Station, nagkasa sila ng buy-bust operation laban kay alyas Badang o Irish, 25.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang 11 sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia mula sa mga suspek.

Kabilang sa drug watchlist ang 2 babae, ayon sa pulisya.

Ayon sa mga awtoridad, pagpasok ng operatiba sa loob ng apartelle para kunin ang P500 halaga ng shabu ay naaktuhan pa sa loob ang 2 suspek na umano'y gumagamit ng shabu.

Paliwanag ni alyas Badang, napag-utusan lamang siya na mag-abot ng droga para may pambili ng gatas sa kaniyang 1-buwang gulang na anak habang ang 2 naman ay itinanggi na gumagamit ng droga.

Ayon sa lalaking suspek, inutusan lamang siya na buhatin ang isang bag sa loob ng kwarto habang ang isang babae naman ay pumasok lamang umano dahil may ipapakilala sa kaniyang lalaki.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.