1 patay, 2 sugatan sa salpukan ng SUV at trak sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2018 08:49 AM

DAVAO CITY - Patay ang isang babae habang sugatan ang kaniyang 2 kasamahan sa salpukan ng SUV at trak, Biyernes ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Maricel Trabasas.

Nagtamo naman ng sugat sa katawan sina Edber Ian Bahanjadia-non at Jerelyn Duraydo.

Kuwento ni Duraydo, pauwi na sana sila sa Pagadian City, Zamboanga del Sur nang mabangga ang kanilang sinasakyang SUV sa isang trak sa Km 14, Panacan.

Galing sila aniya sa Bayugan City, Agusan del Norte upang maghandog sa kanilang simbahan sa Iglesia ni Cristo (INC).

Ayon naman sa ibang nakaligtas, karamihan sa kanila ay natutulog nang mangyari ang aksidente.

Sa tindi ng pagkakabangga, wasak ang harapan ng SUV.

Naipit sa kaniyang inuupuan si Bahanjadia-non na siyang nagmaneho ng SUV. 

Umabot sa higit isang oras bago siya nakuha ng mga rescuers.

Nayupi naman ang kaliwang bahagi ng trak na minamaneho ni Norwin Pacultad. 

Papuntang Panabo City, Davao del Norte ang trak upang mag-deliver ng saging.

Kuwento naman ni Pacultad, malayo pa lang ay napansin niyang wala na sa linya ang SUV.

Sinubukan pa umano niyang iwasan ang SUV ngunit nabangga pa rin.

"Siya ang sumalubong sa amin. Iniwasan ko siya pero bumangga pa rin," ani Pacultad.

Nakakulong naman ngayon si Pacultad habang iniimbestigahan pa ng mga pulis ang aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.