MAYNILA — Labis ang pagsisisi ngayon ni Joel Escorial, ang self-confessed gunman sa pagpaslang sa broadcaster na si Percival "Percy Lapid" Mabasa, na tinanggap niya ang trabaho mula sa kababatang si Jun Villamor.
"Nagsisisi ako ang daming nawala sa akin, sa pamilya ko, 'yung negosya pa nawala na. Nalayo pa ako sa kanila," sabi ni Escorial sa eksklusibong panayam ng ABS CBN News.
Ani Escorial, hindi niya nagawang tanggihan si Villamor dahil kapalit ng pagpaslang kay Lapid ang mabilis na paglaya nito.
"Kababata ko kasi siya kaya di ko natanggihan," sabi ni Escorial. "'Yun nga sir, 'yung sinasabi niyang aayusin 'yung ano nila doon sa loob para mapabilis 'yung paglaya."
Dagdag ni Escorial, kung maibabalik niya ang panahon, hindi niya na tatanggapin ang alok na trabaho ni Villamor.
Si Villamor ang umano'y middleman sa pagpatay kay Lapid, pero nasawi na rin ito.
Limang taon na siyang tahimik at tanging ang negosyo ang kanyang pinagkakaabalahan, sabi ni Escorial.
"Nag-aano po ako ng mga gasul nagde-deliver, kasi may negosyo akong kaunting ano. Five years na sir. Okay naman po. Sapat sa pamilya ko," sabi niya.
Nakatakdang ilipat si Escorial sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame matapos pagbigyan ng korte ang motion to transfer facility ni P/Lt. Colonel WIlfredo Sy ng Regional Special Operations Group (RSOG) ng National Capital Region Police Office.
Sa mosyon, sinabi ni Sy na walang detention facility ang RSOG at dahil sa partisipasyon at extra-judicial confession ni Escorial, mas maproprotekhan ito sa Kampo Crame.
Natanggap na nitong Miyerkoles ng NCRPO ang court order sa paglipat kay Escorial, ayon kay NCRPO Chief PMGen. Edgar Alan Okubo.
"Dun muna 'yung pinaka-safe na puwedeng paglagakan sa kanya para well it’s a safe place para maprotektahan siya doon and kung ano man plano sa kanya ng gobyerno to make him a state witness dun na pagdesisyunan. Likewise mga lock-up cell lang kasi ang meron kami dito," ani Okubo.
Inihahanda na ng NCRPO ang mga dokumento sa paglipat ni Escorial sa Camp Crame.
Ayon kay Escorial makikipagtulungan siya sa imbestigasyon at handang isiwalat ang lahat ng nalalaman sa kaso.
"Handa naman akong makipagtulungan sa kanila kasi sabi nila tutulungan din nila ako. 'Yung pamilya ko. Makikipagtulungan ako sa kanila. Doon sa pamilya Mabasa na sasabihin ko kung ano, kung sino talaga ang nag-utos para ipapatay si Percy," ani Escorial.
Umapela ng tulong sa gobyerno si Escorial at muling humingi ng tawad sa naiwang pamilya ni Lapid.
"Sorry na lang, kasi hindi ko rin naman kagustuhan na ganun. Naano lang ako sa pakiusap ng kababata ko. Sana matanggap nila 'yung sorry ko," sabi niya.
"Tutulungan ko sila, tetestigo po ako."
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.