PatrolPH

Mga pasahero stranded dahil sa 'window hours' ng mga provincial bus sa NCR

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2022 07:18 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Maraming pasahero ang na-stranded at nadismaya nang ma-stranded sa mga terminal, sa harap ng pagpapatupad ng window hour scheme sa provincial buses sa Metro Manila. 

Ayon sa pasaherong si Margie na papunta sanang Baliuag, Bulacan, nabigla siya sa bagong polisiya. 

"Pagod na pagod ako sa biyahe! Paano yan? Kawawa naman kami, kayo nga biyahe para lang makauwi sa pamilya. Sana sabihin nang advanced para hindi maano 'yung mga tao," ani Margie na galing pang Negros. 

Sinubukan pa ng ibang pasahero na maghintay pero kalaunan ay nagdesisyon silang umuwi na lang dahil wala na ring magagawa. Sinubukan naman ng ilan ang alok na P500 hanggang P1,000 na biyahe mula Cubao hanggang Malolos. 

Na-stranded din ang nasa 3,000 pasahero sa Dau, Mabalacat City Bus Terminal sa Pampanga dahil walang masakyang bus pa-Maynila. Umabot ang pila sa labas ng exit ng bus terminal sa McArthur Highway. 

"Ewan ko kung anong direktiba ng MMDA [Metropolitan Manila Development Authority], ayaw na nilang papasukin sa araw 'yung mga bus galing ng probinsiya... Puwede raw pumasok ang mga bus galing probinsiya sa oras na 10 p.m hanggang 5 a.m, eh paano yung araw-araw na pumapasok sa Metro Manila, libu-libo yan!" anang terminal manager na si Elmer Lopez. 

Paliwanag naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, maaari naman daw magtungo sa Parañaque Integrated Terminal Exchange ang mga bus kung saan may city buses na maghahatid sa mga pasahero sa oras na bawal pa sila sa Maynila. 

Nakarating din umano sa kanila na may ilang bus operator na nagdesisyon na sa gabi na lang mag-operate, na nagbabalang bawal ito. 

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.