Aabot na sa halos 3,000 pasahero mula Miyerkoles ng umaga ang stranded sa Dau Mabalacat City Bus Terminal dahil walang masakyan na mga bus papuntang Maynila.
Sa dami ng taong naghihintay ng masasakyan, umabot ang pila sa labas ng exit ng bus terminal sa MacArthur Highway.
May ilang mga bus sa terminal pero sarado ang mga pinto at hindi nagsasakay kasunod umano ng direktiba ng Metropolitan Manila Development Authority na bawal nang pumasok sa Metro Manila sa araw.
"Ewan ko kung anong direktiba ng MMDA, ayaw na nilang papasukin sa araw yung mga bus galing ng probisya... Puwede raw pumasok ang mga bus galing probinsya sa oras na 10 p.m. hanggang 5 a.m.. Eh paano yung araw-araw na pumapasok sa Metro Manila? Libu-libo yan," ayon sa terminal manager na si Elmer Lopez.
Lumalabas na walang abiso sa terminal kaya ikinagulat nila ang sitwasyon ngayong Miyerkoles.
"Walang instructions sa amin, kaya nabigla kami kanina. So ang ginawa ko na lang, nakipag-coordinate ako sa LTFRB kung pwede silang magbigay ng rescue bus, kahit hanggang NLEX lang. Para dun sa NLEX, makasakay yung mga tao papuntang Metro Manila," dagdag ni Lopez.
Ayon sa pamunuan ng terminal, alanganin pa kung mago-operate ang mga bus companies ngayong Miyerkoles. Pero nangako umano ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpapadala ng 14 rescue buses na magdadala sa mga pasahero hanggang sa bahagi ng NLEX sa Valenzuela.
- ulat ni Gracie Rutao
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.