PatrolPH

Mga pamilyang nasunugan sa Valenzuela hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2022 02:09 PM | Updated as of Apr 20 2022 09:37 PM

Sunog sa Barangay Malinta, Valenzuela City noong Abril 9, 2022. ABS-CBN News/File
Sunog sa Barangay Malinta, Valenzuela City noong Abril 9, 2022. ABS-CBN News/File

Nagdala ng tulong ang Sagip Kapamilya ng ABS-CBN Foundation sa mga pamilyang nasunugan sa Valenzuela City.

Bigas, de-lata at hygiene kits ang handog sa mga nasunugan noong Abril 9 sa Barangay Malinta.

Tinatayang nasa higit 1,000 pamilya ang naapektuhan ng sunog na kumalat sa 400 bahay. Kasalukuyan silang tumutuloy sa 3 paaralan sa lungsod.

Kasama sa mga naabutan ng tulong si Pamela Paloma, na naglalaba nang sumiklab ang sunog sa komunidad.

"May nagsisigaw na po na may sunog po kaya ang sabi ko, 'Akyat ka na kunin mo mga damit, kahit kaunti lang,'" ani Paloma, na kasama ang 2 anak nang mangyari ang insidente.

Watch more News on iWantTFC

Malaki na umano ang apoy nang makita ni Paloma kaya pinasabay niya ang mga anak sa kapitbahay para makaligtas.

Hindi na nakakalakad si Paloma mula nang ipanganak ang kaniyang bunso noong 2018.

Para mailigtas ang sarili, gumapang siya palabas ng bahay at tinulungan ng isang kabarangay.

"Pasalamat nga ako sa kaniya, kung hindi po wala na ako ngayon," ani Paloma.

Isa ang naiulat na nasugatan sa nangyaring sunog, na nabigyan naman ng lunas.

Hangad umano ng mga nasunugan na makabalik na sila sa kanilang lugar at maitayo ulit ang kanilang mga bahay.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.