PatrolPH

250 kilo ng campaign materials tinanggal sa Oplan Baklas sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2022 11:16 AM | Updated as of Apr 20 2022 12:53 PM

Larawan mula sa Comelec Liloan
Larawan mula sa Comelec Liloan

Nasa 250 kilo ng campaign materials ang tinanggal ng mga awtoridad sa isinagawang Oplan Baklas sa buong probinsiya ng Cebu nitong Martes. 

Tanging campaign materials na nasa bawal na lugar gaya ng mga puno, electric post at iba pa ang binaklas, ayon kay Comelec-Cebu election supervisor Jerome Brillantes. 

Hindi aniya ginalaw ng mga awtoridad ang mga nakapaskil sa mga pribadong lugar. 
 
Cebu ang "most vote-rich" na probinsiya sa Pilipinas, ayon sa Comelec.

Panawagan ni Brillantes sa mga kandidato ngayong halalan, kusa nang tanggalin ang mga campaign paraphernalia na wala sa tamang paskilan.

Dinala sa mga opisina ng Comelec ang mga nabaklas na materyales upang mailista. 

Kasama ng Comelec sa Oplan Baklas ang pulis, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ilang non-government organization.

Samantala, pinagtatanggal rin ng DENR ang mga campaign posters na nakapaskil sa mga punong kahoy sa iba't ibang lugar sa Davao City.

Kabilang sa mga tinanggal ng mga tauhan ng DENR ang mga posters at tarpaulin na inilagay sa mga puno sa center island at gilid ng kalsada ng major thoroughfares ng lungsod.

Ayon sa DENR-Davao Region, ginawa nila ito matapos mapansin ng maraming social mdeia users ang paglalagay ng campaign materials sa mga puno.

Nagpaalala ang ahensya sa mga kandidato na bilinan din ang kanilang mga tagasuporta dahil ang pagpaskil sa mga punong kahoy ay maaaring makasugat sa mga puno. 

Paglabag din umano ito sa Republic Act No. 3571 na nagbabawal sa pagputol o pagsira sa puno at iba pang halaman. 

Mahigit 1,000 posters at campaign-related materials din na nakalagay sa mga puno ang pinagtatanggal din ng DENR sa iba't ibang bahagi ng Sultan Kudarat at Cotabato.

Ibinigay ng DENR sa Comelec ang nakolektang campaign materials para sa wastong pagtatapon ng mga ito.

—Ulat nina Annie Perez at Hernel Tocmo
 

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.