PatrolPH

Ilang pamilya sa Lanuza, Surigao del Sur binigyan ng relief packs

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2021 07:51 PM

Watch more on iWantTFC

Tinitiyaga ng magsasakang si Eudes Duaso ang mahabang lakaran pababa ng bundok sa bayan ng Lanuza, Surigao del Sur para makabenta ng abaka.

Pero dahil sa community quarantine, natigil ito nang pigilan muna silang bumaba ng kanilang lokal na pamahalaan para manatiling COVID-free ang kanilang barangay.

Ikinuwento ni Duaso na dati ay kumikita siya ng P20,000 kada buwan. Ngayon, halos wala silang maipambili ng pagkain kaya ano mang produkto ng kanilang taniman ay ginagamit na rin nilang konsumo.

Para maipagpatuloy naman ang kanilang maliit na tindahan, naisipang umutang muna sa bangko ng 65 anyos na si Adelida Salazar.

Pero nagpatong-patong umano ang bayaran dahil halos wala siyang benta.

"Mahirap talaga... every week magbayad kami," ani Salazar, na mag-isa na lang sa bahay dahil ang kaniyang 9 na anak ay may kaniya-kaniya nang pamilya.

Nanawagan si Danilo Duaso, isang punong barangay sa bayan, na matulungan ang mga residente na mapaayos ang kanilang sirang kalsada para mas mapabilis ang pagbaba ng mga produkto sa bayan sakaling bumalik sa normal ang kanilang pamumuhay.

Pansamantalang pandugtong sa pangunahing pangangailangan ng mga residente ang dala ng ABS-CBN na relief packs para sa 158 pamilya sa Sitio Ibuan, isang indigenous people's community sa Barangay Mampi, Lanuza.

Dinalhan din ng tulong ang 90 pamilya sa Sitio Himatagan sa Barangay Agsam.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.