PatrolPH

Sunog sumiklab sa Quezon City at Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 12:57 PM | Updated as of Apr 20 2020 09:09 PM

Watch more on iWantTFC

Nangangamba ang ilang pamilya mula Krus na Ligas, Quezon City at Bacoor City, Cavite matapos masunugan nitong nagdaang magdamag, sa gitna ng enhanced community quarantine ang Luzon.

Bandang alas-10 ng gabi nawalan ng tirahan ang 7 pamilya sa Krus na Ligas matapos masunog ang 2 bahay.

Ayon kay Pye Clark, isa sa mga nasunugan, patong-patong ang kaniyang pangamba ngayon dahil nawalan sila ng matutuluyan sa gitna ng banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Dagdag pa ni Clark ay wala siyang naisalbang gamit.

Isa rin sa nasunugan sa Quezon City si Kristel Magsoling, isang fast food worker.

Dahil nasunugan, hindi raw niya tiyak kung makapapasok pa siya.

Ayon kay Magsoling, pati ang mga nakuhang ayuda mula sa kaniyang kompanya ay nawala.

Sa covered court ng barangay muna nagpalipas ng gabi ang mga pamilyang nasunugan.

Samantala, 26 pamilya o 106 indibiduwal naman ang nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab sa Barangay Molino II sa Bacoor nitong madaling araw ng Lunes.

Bandang hatinggabi nang maiulat sa mga awtoridad ang sunog, na umabot hanggang ikalawang alarma at idineklarang fire out bandang ala-1:49 ng madaling araw.

Ayon kay Senior Fire Officer 3 Ruben de Castro, hindi pa tukoy ang pinagmulan ng apoy.

Pansamantala ring mananatili sa covered court ng barangay ang mga nasunugan. -- Ulat nina Jervis Manahan at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.