'Sobrang bigat': Frontliners idinetalye ang trauma sa pagtugon sa COVID-19 crisis

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 08:17 PM | Updated as of Apr 21 2020 06:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi biro ang pinagdadaanan ng ilang mga nurse na sumasabak sa intensive care unit (ICU) at emergency room (ER) sa mga ospital laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Code nurse sa ICU si Chevy Villaruel kaya rumeresponde siya kung may pasyenteng nag-flat line o nawalan ng pulso na kailangang i-resuscitate.

"Makikita po 'yung burden na may na-arrest, may binabalot. May namatay. Sobrang bigat niya," ani Villaruel.

Pero nadoble ang bigat dahil sa pagkamatay ng kaniyang mister noon lang isang taon at pagkakaroon ng pandemic na COVID-19.

"Lord kinuha mo na 'yung husband ko, wag mo na hayaan na yung kids ko mawalan ng nanay... Kasi iniisip mo na kung may kinakain pa 'yung anak mo, na minsan kapag sasakay ka madi-discriminate ka pa. So there is additional stress, additional anxiety," sabi ni Villaruel.

Hindi na niya nakuhang magdalamhati dahil sa kaliwa’t kanang dating ng mga pasyenteng naghihirap. May pagkakataong di niya kinakaya dahil naaalala niya ang yumaong asawa.

Hindi na rin nakapagdalamhati si Jeff Gadbunton, isang senior ER nurse nang mamatay ang kaniyang kapatid noong Marso.

"My sister died last March 6, 2020 and then nalibing po siya ng March 11. Then back to work po ako ng March 16. Start na po ng lockdown, increasing number of cases so in short magulo na po that time nung bumalik po ako sa work... Sobrang busy ko na parang hindi ko na magawang umiyak," ani Gadbunton.

Ang masakit ay tila nakikita niya ang kapatid niya sa nahihirapang pasyente ng COVID-19

"Respiratory distress din kasi yung ikinamatay nung kapatid ko. So every time na nakakakita ako ng mga patient na parehas ng nangyayari, naaalala ko siya," aniya.

Bilang OIC nurse naman ng ICU, si Flo Nido ang kumakausap sa mga pamilyang namatayan sa COVID-19 at nagpapaliwanag kung bakit di nila puwedeng makita ang pumanaw na mahal sa buhay.

Dahil sa paulit-ulit na trahedya, labis na naapektuhan si Nido.

"My twins celebrated their 4th birthday and I'm not around. So it’s very heartbreaking for a mother like me... Hindi ka masyadong makakain, hindi ka masyado nakakatulog. I have a lot of thoughts and fear na baka mahawa ako, or madala ko sa family ko yung sakit. So ang daming negative thoughts... Natutulala ako minsan," sabi ni Nido.

Malaking tulong ang suporta ng mga katrabaho pero kinailangan pa rin niyang magpatingin sa psychiatrist ng ospital.

SABI NG EKSPERTO

Ayon sa clinical psychologist na si Dr. Violeta Bautista, hindi kataka-takang maapektuhan din ang mga health frontliners.

"Tandaan lang natin... Ngayon lang natin narararanasan siguro na magkaroon ng pandemic. Lagi kang may binabantayan na maaaring makapagdala sa'yo ng sakit. Kasabay nito, maraming pagbabago sa buhay na kinakailangan mag-adjust ka. Nakakapagod talaga 'yun emotionally, physically kaya kailangan nila ng suporta ngayon," sabi ni Bautista.

Pero kailangan din malaman kung dapat nang humingi ng professional help.

"Kapag sumobra na hindi ka na maka-function, ang tagal-tagal na lampas na isang buwan ganito ka pa rin at talagang naabala ka na rin sa pang araw-araw mo na buhay, maganda kumonsulta ka na dahil baka may mas complex na problema na nade-develop," sabi ni Bautista.

Payo ng mga eksperto sa mga frontliner, suportahan ang bawat isa at isipin din ang sariling kapakanan.

"Huwag tayong ma-guilty na lumigaya tayo. In fact, tulungan natin 'yung ating sarili na lumigaya... Bigyan mo ng permiso ang sarili mo na mag-grieve. Ngayon kung umiiyak tayo gusto natin humagulgol nang sobra, okay lang hindi nakakahiya ‘yun. Hindi sign ng weakness," paliwanag ni Bautista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.