P1,000 kada pamilya, handog ng mga OFW sa isang barangay sa Laoag City

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 12:58 PM

Retrato mula sa Barangay 42 Apaya

Nabigyan ng tig-P1,000 cash ang ilang pamilya sa Barangay 42 Apaya sa Laoag City mula sa perang pinadala ng mga Pinoy sa ibang bansa.

Galing ang pera sa magpipinsang Pinoy mula Amerika, Spain, at Saudi Arabia, na nagpadala sa kanilang mga kamag-anak sa Laoag.

Nagpasya ang pamilya na ipamahagi ang pera sa mga taga-Barangay 42 Apaya, kung saan higit 58 pamilya ang nabigyan.

Gusto umano ng pamilyang namigay ng pera na makatulong sa kanilang mga kabarangay.

Maraming Pinoy ang nawalan ng o nahihirapan sa kabuhayan matapos isailalim sa lockdown ang Luzon at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao para mapabagal ang pagkalat ng coronavirus disease.

-- Ulat ni Dianne Dy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.