NBI nagbabala sa mga fundraiser scam

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 03:36 PM | Updated as of Apr 20 2020 10:11 PM

Watch more in iWantTFC

Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga pekeng fundraiser o mga nagpapanggap na nangangalap ng donasyon.

Ayon kay Jeremy Lotoc ng NBI Cybercrime Division, ilang reklamo na ang kanilang natanggap tulad ng mga nagpapanggap na artista na nangongolekta ng donasyon.

Ipinayo ni Lotoc sa publiko na suriing mabuti kung lehitimo ang kompanya o personalidad na humihingi ng donasyon.

Kung kaya, ayon kay Lotoc, ay makipag-ugnayan sa mismong artista o kompanya para matiyak kung totoo ang paghingi ng donasyon.

Noong nakaraang buwan, isang doktor ang inaresto ng NBI sa pagbebenta ng mga overpriced na thermal scanner sa pangakong pupunta ang kita sa frontliners.

Nagpakilala ang doktor bilang pangulo ng Lions Clubs International.

Pero nilinaw ng Lions Clubs International na halos isang taon na nilang hindi miyembro ang doktor at hindi rin awtorisado na mangolekta ng donasyon o pera.

Nilinaw din ng Department of Social Welfare and Development ang kanilang abiso sa pagkuha ng temporary permit ng mga nangangalap ng donasyon.

Tatanggalin na umano ng DSWD ang fee para sa temporary permit. Gagawin ding online ang pagproseso, na tatagal ng 2 araw.

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.