NAIA Terminal 2 balak gamitin para sa repatriation flights

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 03:30 PM

Ipinanukala ng pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang paggamit sa Terminal 2 para sa chartered flight ng mga umuuwing overseas Filipino worker.

Ayon kay Ed Monreal, general manager ng Manila International Airport Authority (MIAA), nananatiling sarado ang Terminal 2 pero puwede itong magamit para sa repatriation flights.

Limang linggo nang sarado ang mga terminal ng NAIA maliban sa Terminal 1, kung saan inilipat ang mga natitirang international flights.

Wala na ring domestical flights mula pa noong Marso 17.

Hinihintay pa ng MIAA na aprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang panukala pero sa oras na pumayag, mabilis daw itong maipatutupad.

Ayon kay Monreal, maaari ring maglagay ng help desks ang Overseas Workers Welfare Administration at Bureau of Quarantine sa Terminal 2 para mas mabilis at maayos ang proseso.

Pinag-uusapan na rin kung paano ibabalik sa normal ang operasyon, lalo at 2 linggo na lang bago matapos ang Luzon lockdown, ayon kay Monreal.

Inaasahan rin aniyang hindi tulad ng dati dami ang magiging bilang ng mga pasahero kapag naialis na ang lockdown.

Ipinatupad ang lockdown para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Balak ituloy ng AirAsia ang mga lipad sa Mayo 1 sa mga piling lugar muna.

ipapaalam din ng Cebu Pacific sa mga susunod na araw kung kailan sila muling lilipad.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.