Mga motoristang lumalabag sa quarantine umabot na sa higit 1,200: PNP-HPG

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 06:10 PM | Updated as of Apr 20 2020 08:58 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Umabot na sa higit 1,000 ang mga motoristang naitalang lumabag sa mga patakaran ng enhanced community quarantine sa Luzon, ayon sa pinakahuling tala ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) nitong Lunes. 

Abril 15 nang paigtingin ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga lansangan matapos mapuna ang dumaraming sasakyang bumabaybay kahit pa umiiral ang lockdown kontra pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Ayon kay PNP-HPG director Brig. Gen. Eliseo Cruz, pumalo sa 1,250 na ang kanilang hinuli simula Abril 15 hanggang ngayong araw. 

Karamihan sa natiketan ay mga "authorized person outside of residence" naman pero may mga kasamang hindi awtorisado kaya nagkaroon pa rin ng paglabag. 

Isa sa mga nahuli nitong Lunes ay isang SUV driver, na bukod sa blinker ay naka-special plate din. Nagpakita pa ng certification ang driver na mula umano sa Department of the Interior and Local Government na awtorisado daw siyang gumamit ng sirena. 

Pero nang beripikahin, napag-alamang peke ang pinakitang papel ng drayber. Dahil dito ay kakasuhan din ito ng falsification of public documents. 

Nagsagawa rin ang PNP-HPG ng surprise checkpoint sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kung saan marami rin ang nahuli. 

Babala ni Lt. Gen Guillermo Eleazar ng Joint Task Force Commander COVID-19 Shield, hindi uubra sa kanila ang mga palusot ng motorista. 

"Ang most common observation natin, more than 1 ang kanilang sakay. Kung kayo po ay mag-a-avail ng essential needs ninyo, mamalengke, pupunta sa botika, dapat po within your locality. Huwag kayong magpalusot dahil hindi kayo lulusot," ani Eleazar. 

"Kailangan pa rin nilang ipaliwanag, hindi basta nagpakita ng company ID ay lusot na sa HPG," sabi naman ni Cruz. 

Ayon sa PNP-HPG, hindi lang sa mga main thoroughfare sila magbabantay dahil magsasagawa rin sila ng mga mobile checkpoint maging sa maliliit na kalsada. 


—Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.