Mga lumabag sa quarantine sa Pampanga, pinagtanim ng gulay

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 08:48 PM

SAN FERNANDO, Pampanga - Pinagtanim ng gulay ng lokal na pulisya ang mga nahuling lumabag sa enhanced community quarantine sa lungsod ng San Fernando sa Pampanga nitong Lunes.

Imbis na mag-ehersisyo, dinala sila sa city nursery sa Barangay Lara para magtanim ng gulay, na itinuring na parusang kapaki-pakinabang.

Ayon sa hepe ng San Fernando Police na si Police Lieutenant Paul Ynigo Gamido, ipapamahagi sa mga nangangailangan na komunidad ang mga maaaning gulay tulad ng kalabasa, okra at kamatis.

Nasa 1,500 na ang mga nahuling violators magmula pa noong Marso, kung saan 100 sa mga ito ang pinagtanim ng gulay.

Karamihan sa mga ito ay lumabag sa curfew hours, mandatory wearing of face mask, at hindi pagdadala ng home quarantine pass tuwing lalabas ng bahay.

Ayon sa pulisya, hindi sila magdadalawang-isip na arestuhin at kasuhan ng Non-Cooperation and Disobedience, na may kaukulang multa, ang mga nahuli kung uulit sa nasabing paglabag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.