MAYNILA — Dumaing ang ilang umuwing overseas Filipino worker (OFW) na naka-quarantine ngayon sa isang barko sa Maynila dahil sa kawalan ng physical distancing at paniningil sa kanila para sa ilang pangangailangan.
Nasa 63 OFW ang dumating sa bansa noong Huwebes at idineretso sa isang barko sa Pier 15 sa Maynila.
Ayon kay Rhoney Carpintero, isa sa mga umuwing OFW mula Dubai, nadismaya siya pagdating sa quarantine facility dahil kulang ang tubig, walang regular na pag-disinfect, walang lockers para sa kanilang mga gamit, at dikit-dikit ang mga tulugang pinaghihiwalay lang ng plastik.
Pakiramdam umano ni Carpintero ay mas lalo siyang magkakasakit sa pasilidad.
Ayon pa kay Carpintero, wala ring physical distancing kapag sila ay kumakain.
Limitado rin ang pagkain at pinagbabayad din umano sila para sa mga pangangailangan tulad ng toothpaste, sabon, at shampoo.
Ayon naman kay Armand Balilio ng Philippine Coast Guard, tinutugunan na nila ang problema.
Matapos mabasa ang hinaing ng OFWs sa social media, namigay nitong Lunes si Sen. Risa Hontiveros ng pagkain, hygiene kits at face mask sa kanila.
Nanawagan si Hontiveros na bumuo ng reintegration program para sa mga OFW.
Sa ngayon, P10,000 cash assistance pa lang ang ibinigay ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga OFW na nawalan ng trabaho dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Binisita na rin ng Overseas Workers Welfare Administration ang mga OFW para tugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Bumubuo na rin ang DOLE ng recovery program para mahanapan ng mga pansamantalang hanapbuhay ang mga nawalan ng trabaho.
-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, overseas Filipino worker, quarantine facility, Maynila, barko, Philippine Coast Guard, Risa Hontiveros, Overseas Workers Welfare Administration, tv patrol