Lockdown nakatakdang ipatupad sa Sampaloc, Maynila

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 05:46 PM | Updated as of Apr 20 2020 10:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakatakdang isailalim sa lockdown ang Sampaloc district sa lungsod ng Maynila ano mang araw ngayong linggo.

Ayon sa mga barangay chairman, tinatapos lang ang pamimigay ng relief goods na gagamitin ng mga residente sa 2 araw na lockdown.

Sa oras umanong ma-distribute ang relief goods sa 192 barangay sa distrito, magdedeklara na ng lockdown, kung saan may 500,000 residente.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ipatutupad ang lockdown dahil sa dami ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Marami rin aniyang mga pasaway na residente sa lugar.

Sa ilalim ng inaasahang lockdown, bawal lumabas ng bahay ang mga residente maliban sa frontliners mula sa medical services, police, at emergency services. Kanselado rin ang quarantine pass.

Isasarado rin ang lahat ng establisimyento maliban sa mga ospital at botika.

Mga main road lang sa Sampaloc ang bubuksan pero lahat ng side streets ay isasara sa lockdown.

Maging ang mga bantay sa barangay ay limitado rin sa chairperson at mga kagawad.

Ayon kay Police Col. John Guiagui, hepe ng Sampaloc police, kung may mga medical emergency ay hindi puwedeng may kasama ang pasyente at ipagagamit ang mga ambulansiya.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.