'Komunikasyon susi para mapanatili ang katinuan sa gitna ng COVID-19 crisis'

Ina Reformina, ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 04:39 PM

MAYNILA — Bukod sa pisikal na kalusugan, mahalaga din, ayon sa mga eksperto, ang pangangalaga sa kalusugan ng kaisipan o mental health sa gitna ng krisis na bunsod ng COVID-19 pandemic.

Isa kasi sa mga hakbang kontra COVID-19 ang quarantine, na maaaring magresulta sa kalungkutan dahil sa kulang na interaksyon sa ibang tao. 

Si Regine delos Santos na tubong Negros Occidental pero sa Makati City nagtatrabaho, panay ang gamit ng cellphone para in touch pa rin sa mga kaanak at kaibigan.

"Social media po, nagcha-chat po kami, video call po. Sinasabi ko po sa kanila na mag-iingat sila, sini-send ko po sa kanila ano po dapat gawin, proper po na paggamit ng mask," aniya. 

Ayon sa World Health Organization (WHO), lubos na kailangan ngayon ang komunikasyon at pagbibigay suporta sa mga mahal sa buhay sa gitna ng krisis.

Paliwanag ng National Center for Mental Health (NCMH), nagdudulot ng stress ang mga pagsubok, lalo na ang anumang banta sa buhay at kalusugan. 

"This is very important kasi lahat tayo ngayon ay talagang under high level of stress, kasi there’s a threat of dying, threat of losing loved ones. So ganun 'yung level na stress sa atin, which should be traumatizing," ani Dr. Agnes Joy Casiño, hepe ng NCMH strategy management and linkages unit. 

Bilang tugon, naglunsad ang NCMH ng kanilang mental health crisis hotline. Mula Marso 30, nasa 1,200 tawag na ang natatanggap nila. 

"We have this collective anxiety kasi hindi natin alam and how long this will last... This is very important also for our healthcare workers, sa frontliners, kasi ganun everyday you see a dying patient so you see people na talagang nahihirapan huminga and you need to decide, for example, which patients to focus your attention to," sabi ni Casiño. 

Ayon sa tala ng NCMH, 20 porsiyento ng mga tawag ay seryosong mga kaso o nakararanas ng matinding depresyon. Binigyan sila ng referral sa tele-consulting programs, at kailangan din ng personal session sa NCMH counselors o psychiatrists.

TIPS

Payo ng WHO at NCMH, panatilihin o paigtingin pa ang komunikasyon sa pamamagitan ng teknolohiya.

"Talking to people you know and trust can help. Supporting other people in your community can help you as much as it does them. Check in on neighbors, family and friends. Compassion is a medicine," ani Dr. Tedros Ghebreyesus, WHO director general. 

"You get in touch with someone since you already have the technology, so might as well gamitin na din siya," sabi naman ni Casiño. 

Para naman sa may mga tanong o kailangang impormasyon ukol sa COVID-19, narito ang NCMH helplines na maaaring tawagan. 

•09663514518 
•09495682910

Sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa 6,259 ang nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas, 409 dito ang nasawi at 572 ang nakarekober.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.