Due date sa pagtubos ng mga sangla atrasado sa gitna ng lockdown

Alvin Elchico, ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 06:26 PM | Updated as of Apr 20 2020 08:54 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sa gitna ng umiiral na lockdown sa buong Luzon at maging sa ibang bahagi ng bansa para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, maraming Pilipino ang hindi nakapagbayad ng kanilang bills. 

Isa na dito ang mga pagbabayad ng interes sa mga isinanlang gamit. 

Pero dahil sa enhanced community quarantine, inatras na rin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang bayaran nito. 

Halimbawa, kung Abril 15 ang due date ng tubos ng item, aatras din ito sa Mayo 30 nang walang anumang dagdag na charges.

"Ngayon kung magkano man ang interest na dapat niyang bayaran, pagdating sa bagong due date, ganun pa rin ang interest na babayaran niya, wala dapat dagdag," ani BSP deputy governor Chuchi Fonacier.

Pero nilinaw ng BSP na kapag bumalik na sa normal, tatakbo ulit ang dating due date o petsa ng pagtubos.

CREDIT CARD BILLS

Samantala, wala ring dagdag na charges o sisingilin sa mga credit card holders na hindi makababayad sa due date habang nasa ilalim ng quarantine. 

"No more interest on interest. Or no more charges kung ano man. Halimbawa sometimes may mga late payment fee, wala dapat ganoon kasi nandito tayo sa grace period na binigay ng batas," sabi ni Fonacier.

Iyun namang dati nang nagbabayad nang buong utang sa credit card o 'yung tinatawag na "transactor," puwedeng mag-minimum payment lang kung hirap sa pera kaya lang may ipapataw nang interest.

"Pag ganyan naman ang ginawa mo, macha-charge ka nang regular interest na supposedly transactor ka pero hindi mo rin sinettle under a new due date the outstanding balance," paliwanag ni Fonacier.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.