DILG ipinatitigil ang pagpapatupad ng window hours sa pamamalengke

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 03:46 PM | Updated as of Apr 20 2020 09:18 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Naglabas ng abiso ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa lahat ng mga lokal na pamahalaan na huwag nang ituloy ang pagpapatupad ng "window hours" sa pamamalengke.

Sa bagong patakaran ng DILG, sinabi nitong ang window hours ay lalo pang nagdudulot ng pagdami ng tao sa mga establisimyento dahilan para malabag ang physical distancing kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).

"The imposition of such restrictions further creates congestion of people who flock to these establishments at the same time," ayon sa dokumento.

Sinegundahan din ito ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).

"Sinasabi po ng DILG na mas mainam na i-schedule o i-cluster ang mga barangay para hindi sabay-sabay lumabas ang ating mga kababayan. Mas mahaba ang oras ng bawat tao lumabas; rotational po ang areas na puwedeng lumabas para mas konti ang tao na nasa labas at a given time," ani Cabinet Secretary Karlo Nograles, tagapagsalita din ng IATF.

Kabilang sa mga establisimyentong hindi na raw dapat patawan ng window hours ay ang mga palengke, grocery, at botika.

Dahil dito, sinabi ng DILG na dapat maging malikhain ang mga LGU sa paghahatid ng pangangailangan ng kanilang mga residente sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon at iba pang bahagi ng Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.