Trak nahulog sa bangin sa Kalinga; 8 patay

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2019 06:09 PM | Updated as of Apr 22 2019 01:29 PM

Retrato mula sa Philippine National Police sa Cordillera.

(UPDATE) Walong tao ang napatay nang maaksidente ang isang elf truck sa lungsod ng Tabuk, Kalinga nitong umaga ng Sabado, ayon sa pulisya.

Hindi naman bababa sa 10 ang nasugatan sa insidente.

Sa ulat ng Cordillera police, binabagtas ng trak ang paakyat na kalsada nang hindi raw ito nakapag-low gear kaya napaatras at nahulog sa bangin na may lalim na 5 metro.

Hawak na ng pulisya ang 20 anyos na driver ng truck.

Papunta sana ang grupong sakay ng truck sa Barangay Balawag sa Tabuk para magsagawa ng "posipos," isang tradisyon ng pag-aalay ng baka at kalabaw para sa matandang may sakit sa pamilya.

—Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.