Dating sekyu patay sa pamamaril sa Abra

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2019 07:57 PM

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng 4 na lalaki sa bayan ng Lagayan, Abra Huwebes ng gabi.

Nagtamo si Jhagese Parado ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Namatay ito habang ginagamot sa ospital.

Magdiriwang dapat ng ika-22 kaarawan sa Linggo si Parado na isang dating security guard sa isang bus company.

Sugatan naman ang kaniyang 19-anyos na pamangkin.

Ayon sa pamangkin, nag-iinuman sila ng kaniyang mga pinsan nang biglang dumating ang grupo nina barangay chairman Domindador Cardinas Jr. at pinukpok umano ng bote sa ulo ang kaniyang pinsan.

Dumating ang kanilang tiyuhin na si Parado para sumaklolo pero sinalubong daw sila ng mga putok ng baril ng grupo ng kapitan.

Itinanggi naman ni Cardinas ang reklamo. Dumating lang daw siya sa lugar matapos makarinig ng putukan.

Nasa kustodiya na ng pulis si Cardinas at ang dalawa pa niyang kasamang inirereklamo. Pinaghahanap naman ng pulis ang isa pa.

Tinitingnan ng Abra Provincial Police Office kung may kaugnayan sa nalalapit na eleksyon ang krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.