21 bahay nasunog sa Bacolod City

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2019 01:32 PM

Away sa pagitan ng mag-live-in partner ang sinasabing sanhi ng sunog sa Bacolod City. ABS-CBN News

Dalawampu't isang bahay ang naabo nitong madaling araw ng Sabado sa Barangay Singcang-Airport, Bacolod City dahil sa sunog na nag-ugat umano sa away ng mag-live-in partner.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagmula sa bahay ni Mary Grace Lopez ang sunog, na sinimulan umano ng kaniyang kinakasama dahil sa kanilang pag-aaway.

Nakatanggap si Lopez ng text message mula sa kaniyang kinakasama na nagsasabi sa kaniyang umuwi sa kanilang bahay at baka maagapan pa ang sunog, ani Fire Chief Inspector Publio Plotena.

Alas-2:20 ng madaling araw nakatanggap ng ulat ang BFP ukol sa sunog at alas-3:12 ng madaling araw naman nang magdeklara ng fire out.

Tinatayang nasa P200,000 ang halaga ng pinsala sa sunog, ayon sa BFP.

Patuloy na pinaghahanap ang kinakasama ni Lopez na mahaharap sa kasong arson.

--Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.