Trabahong alok sa K-12 graduates, hakbang tungo sa kontraktuwalisasyon?

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2018 09:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinangako ng iba't ibang grupo ng negosyante at employer na may mga trabaho na naghihintay para sa mga graduate ng senior high school basta't makitaan ng kakayanan at tamang pag-uugali.

Ayon sa Philippine Business for Education (PBEd), mayroon nang 13 kompanya ang nangakong mag-aalok ng higit 1,500 trabaho, at ilan sa mga posisyon na ito ay customer service agents, promodizer, cashier, animators, at coders. 

Ayon sa grupo ng human resource (HR) managers, kailangang baguhin ang pananaw ng mga HR personnel para maiwasan ang diskriminasyon at maging bukas sila sa pagtanggap ng mga aplikante na walang college diploma.

Pero dapat ay sikapin din daw ng mga graduate na maging "seryoso" at maipakitang may kakayanan silang gampanan ang ano mang trabahong papasukin.

"We hire based on attitude talaga," ani Jocelyn Pick ng People Management Association of the Philippines.

Nagpahayag naman ng pangamba ang League of Filipino Students na mauuwi lang sa kontraktuwalisasyon at kawalan ng trabaho ang K-12 program dahil mapupunta sa mga industriya na walang seguridad sa trabaho ang mga graduate.

"The expensive K-12 program has all along been training future contractuals who would suffer poor working conditions and depressed wages in BPO (business process outsourcing) industries, manufacturing, professional services, retail, machinery and equipment," ayon sa pahayag ng grupo. 

Pinabulaanan naman ito ng PBEd.

"We disagree with that...Business must follow standards...kasi kahit 18 years old puwede nang magiging regular," ani Lovelaine Basillote ng PBed.

Tinatayang nasa mahigit 1 milyon ang unang batch senior high school ang ga-graduate ngayong buwan at ang iba dito ay hindi muna didiretso ng kolehiyo. 

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.