'Tokhang' kontra 'endo' ikinasa ng Malacanang

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2018 09:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Labor and Employment (DOLE) na isumite sa loob ng 30 araw ang listahan ng lahat ng pasaway na kompanyang nagsasagawa ng "endo" at "555" sa kanilang mga empleyado. 

Giit ng Malacañang, hindi ito simpleng listahan lang kung hindi simula na raw ito ng "tokhang."

"In other words, itong 30 days na ito, it’s not just for the list. It’s to tell them to comply, otherwise isasara kayo ni Presidente. At talagang magkakaroon ng tokhang sa mga kompanya, iisa-isahin sila. Tokhang laban sa 'cabo' ito," ani presidential spokesperson Harry Roque.

'Cabo' ang tawag sa mga tao o grupong nagsusuplay ng mga trabahador na walang ganap na benebisyo.

Ang "555" naman ay ang pag-terminate ng kontrata sa ika-5 buwan at pag-renew muli ng 5 pa upang maiwasan ang pag-regular ng trabahador.

Tila pagkambiyo ito ng Palasyo matapos ianunsiyo nitong Huwebes na malabo na silang maglabas ng executive order (EO) para tuldukan ang mga ilegal na anyo ng kontraktuwalisasyon.

Giit kasi nila, merong ilang porma ng kontraktuwalisasyon na pinapayagan ng Labor Code.

"[A]ng depinisyon ng contractualization na hindi lahat ay bawal, kung hindi iyong mga cabo lamang...Sisiguraduhin ni Presidente na wala talagang 555 at wala talagang cabo. Thirty days. 'Wag niyo pong subukan ang Presidente," ani Roque. 

Inalmahan naman ng labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang tila naging "pagpapaasa" ng Palasyo, matapos sabihing Kongreso na ang bahalang magwakas sa endo sa pamamagitan ng security of tenure bill. 

"Mukhang nalapnos na ang aming pag-asa. Pero maraming labor groups ang gusto marinig mismo sa Presidente 'yung bigay-bawi na ano nga ba ang pinal sa EO?" ayon kay Elmer Labog, chairperson ng KMU.

Pinamamadali na ng Palasyo ang pagsasabatas ng nasabing bill.

--Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.