Pulis na namaril dahil sa away trapiko, arestado sa Bacolod

Barbara Mijares, ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2018 05:47 PM | Updated as of Apr 20 2018 06:23 PM

BACOLOD CITY - Arestado ang isang pulis na bumaril sa isang pahinante na nakaalitan niya dahil sa trapiko sa Barangay Villamonte, Biyernes.

Haharap sa kasong frustrated murder at paglabag sa election gun ban si PO1 Ely Agonace matapos niyang barilin ang pahinante sa kaliwang balikat.

Base sa inisyal na imbestigasyon, biglang sumingit si Agonace na sakay ng isang motor sa harap ng truck na minamaneho ni Mario Lagaza at ng pahinanteng si Edgar Marinog. 

Tuloy-tuloy na binusinahan ni Lagaza ang pulis kaya binaril nito ang mga sakay ng truck.

Giit ni Agonace, binaril niya lamang ang truck dahil pinaputukan umano siya ng shotgun ng pahinante.

Pinabulaanan naman ng driver ng truck na mayroon silang armas sa loob ng sasakyan.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng insidente ang 5 basyo ng bala at ang service firearm ni Agonace.

Sumailalim sa paraffin test ang biktima, habang tumanggi namang magpasuri ang suspek.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na maaari ring maharap sa kasong grave misconduct.

Si Agonace ang ikatlong indibidwal na lumabag sa gun ban dito sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.